Martes, Abril 2, 2013

Ang Pagtatapos


       Tatlong buwan kulang kulang, ganito kahaba natin pinagusupan ang kultura at pulitika. Matagal para sa ilan pero para sa akin ito'y napakabilis na tatlong buwan. Marahil dahil sa ako'y labis na natutuwa at nagagalak sa mga bagay bagay na aking natututunan sa klaseng ito. Ito siguro yung isa sa mga klase ko na nagagawa kong gamitin sa aking paligid at araw araw na buhay. Higit pa dito, nagawa ng klaseng ito na buksan ang aking isipan sa mga bagay bagay na akala ko noon ay simple lang ngunit may kahulugan pala.


         Isa sa mga bagay na aking naunawaan na binigyan ko ng importansya ay ang wikang Filipino. Karamihan sa aking mga kaklase ay gumamit ng wikang Ingles pero sa akin ay wikang Filipino, ito ay sapagkat nais kong ipahayag ang importasya ng pagbibigay halaga sa sarili nating wika. Higit pa dito ay maipagmalaki ang wika natin na kadalasan natatakluban at inaapi sa ating sariling bansa ng ating kapwa Pilipino. Kung kaya't ninais ko na gamitin ang wikang ito upang mas maipahayag ang aking saloobin at damdamin na sumasampatiya sa aking sariling wika.

        Wika nga ni doctor Jose Rizal, "Ang hindi marunong magmahal sa kanyang sariling wika, ay daig pa ang malansang isda".

        Sino pa ba ang magpapahalaga sa ating wikang Filipino kundi tayo ding mga Pilipino kaya dapat itong bigyan pansin at pahalagahan. Dahil ang Wika ay parte ng ating kultura at walang sino mang bansa ang uunlad ng hindi nila binibigyan halaga ang kanilang sariling kultura.

Mga Pinagkuhanan:
http://t3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSq0vdqPmCYOS0n0ctwrXZVMqoCC_zgtvn0T5OEd_RyC4Dwdg8U6Q
http://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSJn0igrKH26uSXQdZRDGiV2oIwdm_ZoUr7b52cCragrXGCXm8r
http://www.seasite.niu.edu/tagalog/Filipino%20Paintings/bayanihan-JoselitoEBarcelona-1993.jpg

Pagkaing ATIN


Kilala tayong mga Pilipino bilang maalaga sa ating mga bisita. Isang patunay nito ang dami ng klase ng pagkain na ating naiihain sa hapag kainan. Subalit sa kabila ng pagiging malikhain natin sa pagluluto, karamihan ng ating mga pagkain ay hindi ko man lang magawang tikman at kainin. Isa na dito ang popular na balut. Kahit alam ko na isa lang itong itlog, hindi ko mawari na ito'y kainin marahil dahil na din sa kulturang aking kinalakihan.

Ang tinutukoy ko na kulturang aking kinalakihan ay maaring kultura din ng karamihan sa aking henerasyon. Ito yung kulturang pagiging mahilig sa pagkaing kanluranin gaya ng mga "fast-food". Malungkot man pero inaamin ko na mas mahilig talaga ako sa pagkaing labas kesa sa sarili nating pagkain. Ito ay sapagkat mas madali itong mabili at ang lasa ng bawat putahe saan man parte ng bansa ay pare parehas lang. Ito ang pinagkaiba sa pagkaing ATIN sapagkat ang pagkaing Pilipino ay mabilis magbago at nagkakaiba iba sa lugar ng pinagmulan. Ito ay dahil na din sa pagiging malikhain ng mga Pilipino na nagagawa nitong baguhin at lutuin ang pagkain na aangkop sa kakain at sa sangkap na mayroon sa lugar. Dahill dito nagkakaroon ng iba't ibang klase ng lasa ang iisang uri ng pagkain at ito ang masasabi kong hindi ko gusto sa kultura natin. Mahilig man ako sa pagkain, ang aking gustong kinakain ay mga pagkaing pamilyar sa akin ang lasa at hindi ako mahilig tumikim ng labas sa gusto kong panlasa. Pero sa pagninilay nilay sa klaseng ito, nagawa ko maunawaan ang kahalagahan ng ating kultura sa pagkain nating mga Pilipino. At kahit mahirap alam ko sa sarili ko na nagawa nitong baguhin ang pananaw ko sa pagkain at binuksan nito ang pinto ng respeto para sa ating mga Pilipino.
 Mga Pinagkunan:
http://t3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcTcnhUJn6xKJwYAI_jMzxn-DiZ6EnDwTBD6JSwlmnGccmkHfI2TIghttp://i191.photobucket.com/albums/z308/pattykatigbak/1138557511_8bf8d25074.jpg

Linggo, Marso 17, 2013

Paninira sa larong Basketbol (Finale)

Ang larong basketbol ay kilalang kilala saan mang panig ng mundo. Ito ay isang laro na binubuo ng dalawang koponan na may tiglimang manlalaro sa loob ng basketbolan. Bawat manlalaro sa isang koponan ay may tiyak na posisyon na nilalaro at responsibilidad na dapat gampanan. Una ang "Point Guard", kadalasan ang pinakamaliit sa koponan at siyang may responsibilidad na patakbuhin ang sistema ng koponan. Pangalawa ang "Shooting Guard", ang kilalang taga puntos ng koponan at tirador ang shooting. Pangatlo ang "Small Forward", karaniwang malalaking manlalaro na may bilis, tira sa labas at kakayanang kumuha ng bola. Pangapat ang "Power Forward", malalaking manlalaro na may kakayanang tumira sa labas at makipagbakbakan sa ilalim ng basketbolan. Panlima at ang huli ay ang "Center", pinakamalaking malalaro sa koponan at siyang angkla ng depensa. 

Sa panahon ngayon, isang manlalaro ang masasabi kong nanira sa konsepto ng larong basketbol. Pumasok siya sa NBA (National Basketball Association) sa edad na 18 at ito ang naghudyat sa pagbabago ng laro. Ang tinutukoy ko ay walang iba kundi si Lebron "The King" James. 


Sa pagpasok niya sa pinakasikat na liga sa buong mundo, sinira ng kanyang paglalaro ang konsepto ng basketbol. Nakalista siya bilang isang "Small Forward" ngunit ang kanyang paglalaro ay labas sa konteksto ng nasabing posisyon. Ang kanyang paglalaro ay umaangkin sa lahat ng posisyon kung kaya't sa bawat koponan na kanyang paglaruan, hindi mo ito masisilayan ng tunay na konsepto ng basketbol. Isa siyang manlalaro na ginagawa ang lahat ng bagay sa loob ng basketbolan, magmula sa "Point Guard" hanggang sa tungkulin ng "Center" ay nagagawang niyang gawin. Dahil dito nawawalan ng responsibilidad ang ibang manlalaro at nasisira ang konsepto ng basketbol na larong "team sport". 
Magmula noon ang konsepto ng basetbol ay nasira na dahil ang laro na dapat ay pangkoponan ay nagiging larong nakatutok na lamang sa iisang manlalaro.


Mga pinagkuhanan:http://t0.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcRydFDlfqQ5Q07jRe9PkkijnookxvhhHRrbPOYCEZEWmuVMEIeWhttp://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSyWkP92kpeSTm06mPXB-3QPCD1ijIOgReE9e6YX0dBh0YBPQaBcw

Miyerkules, Marso 13, 2013

Kritikal na Komentaryo sa Teoryang Post-Kolonyal


Pizza hut, Hamburger, Fried Chicken, French fries - eto ang mga paboritong pagkain ng mga Kabataang Pilipino sa panahong ito. Sa kadahilan ng mabalis na pagtakbo ng panahon, mabilis din nito binago ang kagustuhan ng mga Pilipino pagdating sa pagkain. Ang dating mga lutong bahay ay pinalitan na ng mabibilis na lutong pagkain sa mga Fast Food chains kagaya ng Mcdonald’s, Wendy’s, Jollibee, Greenwich at marami pang iba. 
     Ang pagkaiba ng hilig ng mga Pilipino ay masasabi kong dulot na din ng pagiging kolonyal natin. Kilala bilang dating kolonya ng Amerika, tayong mga Pilipino ay nagiging representasyon ng kultura ng Amerika. Ito ang magpapaliwanag sa paghahalo halo ng kultura ng ating bansa at ng Amerika. Ito ang nagdudulot sa pagkabuo ng bagong tahak ng kultura na maituturing nating "Hybrid" na kultura. Masasabi ng iba na ito ay paninira sa ating tradisyonal na kultura subalit ito may isang kasagutan sa patuloy na paghahanap nating mga Pilipino sa tunay nating katauhan. Kasama na nito ang pagtanggap sa ibang kultura gaya ng sa kanluranin.

Mga Pinagkunan:
http://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcTxKUGfV9i5zutI7NiRdezG5xaOg56K-soAZYni6LAT-TkAyQgi
http://t2.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcQ-98txV8ZSY5hz2Uf5AxGsVqsceR0aIH4pknQCtNFLVCGJ6rQz
http://t3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcT95XBFtl_NLf1Btj1rtiEtI_KW_xvV-NAgKZWa2700m2GqQalNpw

Kritikal na Komentaryo sa Teoryang Kanluranin


     Sa tuwing mapapagusapan ang mga Teoryang kanluranin, hindi ko malilimutan ang laging sinasabi ng aming guro na ito ay nagmula sa mga "Great Dead White Men". Sabagay ito naman ang katotohanan sapagkat ito ay ang mga ideyang nagmula pa sa mga taong matagal ng pumanaw. Higit pa dito ay ang realidad na miski luma ang mga ideyang ito, ito pa din ay buhay at patuloy na ginagamit. Ito ang mga ideyang masasabi kong bumago sa mundo. 

      Isa sa mga paborito kong teoriko na bumago sa takbo ng mundo ay si Karl Marx. Pinagtuunan niya ng pansin ang Kapitalismo ("Capitalism") sapagkat napagtanto niya ang palalim na palalim na problema ng ekonomiya. Inilahad niya ang pagkahilig ng mga kabisera na ibigay ang kapangyarihan sa mga kamay ng ilang mga malalaking capitalista. Iginiit din niya na ang kapangyarihan ng mga manggagawa ay mabubuo lamang sa pamamagitan ng isang sosyalistang rebolusyon.

     Dito sa atin sa Pilipinas, makikita mo din ang sitwasyong ito. Sa mga lugar na dominante ng mga mayayamang pamilya tulad ng Tarlac, kung saan pagsasaka ang pangunahing hanap buhay, matatagpuan ang magandang halimbawa ng kapitalismo. Sa kabila ng pagkakaroon ng Land Reform Program ng Pilipinas na nagbibigay ng karapatan sa mga magsasaka na magkaroon ng sariling lupain, naipagpupumilit pa din ng mga mayayamang pamilya ang kanilang kagustuhan at nagagawang ang kinin muli ang lupa mula sa mga magsasaka. Pagkatapos naman nito ay ginagawa itong plantasyon o di kaya naman ay subdibisyon. Kung ating iisipin, ang programa ng gobyerno ay tila isang panaklob lamang sa problema ng mga magsasaka dahil nagiging kasangkapan lamang sila sa pagpapalayong ng kapangyarihan at karangyaan ng mga mayayamang pamilya. Sa pagunlad ng mayayaman, nananatiling mahirap ang mahirap at lalo pang humihirap.

     Sa kabila ng pagtutol ko sa kapitalismo, hindi ko naman maiaalis ang katotohanan na ito ay isang matagumpay na paraan nag pagpapaunlad lalo na sa mga maliliit ng negosyo. Lahat ng ito ay magbabase sa suportang ibibigay ng gobyerno sa mga negosyo at mamimili. Isang patas at malayang pamilihan ang magiging susi sa pagunlad.

Mga Pinagkuhanan:
http://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSLceRh7Zd2bH1NDly7yGOND2VTFHePBCSWTtxxJGVYKxkyx0vl6g

Lunes, Marso 11, 2013

Kritikal na Komentaryo sa Katutubong Pilipino


    Tamad ang Pilipino, ito ang isang mentalidad na inilahad ng mga kanluraning teorya sa kaugalian nating mga Pilipino. Ngunit maituturing ko itong paninira sa ating katauhan sapagkat hindi patas ang pagpapahayag ng mga teoryang kanluranin. Ang Sikolohiyang Pilipino ay itinatag ni Virgilio Enriquez na naglalayong baguhin ang paraan ng pagiisip ng mga Pilipino. Ito ang nagbigay opportunidad sa mga Pilipino na maihayag ang tunay natin kaugalian at mabago ang pagtingin sa atin nga mga dayuhan. Dahil din dito magagawa natin baguhin ang pananaw ng mga kanluranin sa ating kultura at kasaysayan na walang lubos na nakakaalam kundi tayong mga Pilipino lamang.

     Madaming kultura ang mga Pilipino na hindi naipapaliwanag ng tama ng mga teoryang kanluranin. Dahil sa Sikolohiyang Pilipino nagagawang ipaliwanag ang mga bagay na ito sa paraan at perspektibo ng Pilipino. Tulad na lamang ng kaisipan na "Bahala na" na karaniwang naipapaliwanag bilang paraan ng Pilipino na ipaubaya na lang sa iba ang kanilang ginagawa at nagigigng simbolismo ng katamadan. Subalit ang kaisipan na ito ay buhat sa teorya ng mga kanluranin na walang basehan sa tunay nating kultura. Ayon kay Virgilio Enriquez at sa kanyang Sikolohiyang Pilipino, ang kaisipan na ito ay nagsisilbing pagkuha sa pagpapasiya at panganib, at isang paraan ng pagtulak ng katapangan sa isipan ng isang Pilipino upang malampasan ang mahihirap ng pagsubok. Isang kaugalian ito na nabigyan ng bagong interpretasyon ng Sikolohiyang Pilipino. 


      Sa gitna ng Sikolohiyang Pilipino matatagpuan and pundasyon ng kaugalian at kultura ng mga Pilipino. Ito ang kapwa na ang ibig sabihin ay "togetherness". Magmula kasi sa kasaysayan nating mga Pilipino, laging kaakibat ng bawat kultura at kaugalian ang pagbibigay halaga natin sa ating kapwa. Hindi ito labis maunawaan ng ibang lahi dahil sa magulo nitong konsepto. Mayroon itong dalawang interpretasyon, and Ibang tao (other people) at Hindi ibang tao (not other people). Ang ibang tao ay tumutukoy sa mga taong taga labas na karaniwan ay mga dayuhan. Ang hindi ibang tao naman ay tumutukoy sa mga taong isa sa atin o mga taong kabahagi ng ating kultura. Sa depenisyon ito ng kapwa makikita ang labis na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa mga tao sa paligid nito maging ito ay ibang tao o hindi ibang tao.

mga Pinagkuhanan:
http://www.kabayancentral.com/book/up/9715420672.jpg

Pulitika ng Puwang


Sa aming paglalakbay sa probinsya ng Laguna, una naming tinungo ang lugar ng Paseo de Santa Rosa. Hindi ito ang unang pagkakataon na makapunta ako sa lugar na ito dahil naging madalas ako dito nung panahon na akoĆ½ bumibisita pa sa De La Salle Canlubang. Ang lugar ng Paseo ay binubo ng iba't ibang uri ng tindahan at manininda na karamihan ay matatagpuan din sa ibang lugar. Ang kinaiba lang ng Paseo ay ang mga tindahan dito ay kadalasang bagsakan ng iba't ibang branded na bagay kung kaya't mas mura ang mga ito kaysa sa ibang tindahan.
Sa kabila ng pagiging mababang presyo ng mga branded na bagay dito gaya ng Nike at Addidas, masasabi ko na hindi pa din ito yung lugar na dayuhin ng mga tao. Isang kadahilan nito ay hindi ito madaling puntahan at kung mapuntahan man ng mga tao ay kinakailangan na may mga pera ang mga ito. Ibig sabihin lang nito na ang Paseo ay lugar kung saan ang mga taong may kaya sa kanilang luho ang siyang makakatigil at makakapamili. Nahihiwalay ng lugar na ito ang mga taong namumuhay lamang para sa kanilang pangaraw araw na buhay.  
Ngunit sa kabilang banda, hindi lubos marahil akalain ng karamihan na ganito ang tunay ng nangyayari. Isang katunayan nito ay ang tindahan na matatagpuan sa may kalikuran ng Paseo. Dito mo makikita yung mga tipikal na tindahan at mga taong kadalasang namumuhay ng isang kahig isang tuka. Ang mga uri ng tindahan dito ay pangkaraniwan at kadalasan pa ay mga panggagaya ng mga branded na bagay. Labis na ibang iba ang hitsurang ito ng Paseo kumpara sa una mong makikita ng magara at maaliwalas. Ito ay isang uri lamang ng pagpapakita kung paano hinahati ng lipunan ang mga tao base sa kanilang panlipunan klase.
    Pangalawa naming tinungo ay ang SM Calamba. Dito mo makikita ang karaniwang itsura ng SM na magkahalo ang mayayaman at mahihirap. Isa sa mga patunay dito na kumuha ng aking pansin ay noong napadaan ako sa may sinehan kung saan isang turista na mayaman ay nakapila sa ticket ng sine kasunod ang isang binata na wari mo'y nasa bahay lang. Isa pang nakakatakaw pansin ay ang tindahan ng "Prap" na tinagalog ng salitang "Frappucino" na karaniwang mamahaling uri ng kape na mabibili sa mga tindahan gaya ng Starbucks. Dito na lamang sa paraang ito makikita mo ang paglikha ng bagong uri ng kultura na aangkop sa kakayanan ng mga Pilipino at lalaban sa karaniwang pagaakala na ang kapeng "Frap" ay pangmayayaman lang. 
      Sa gitnang bahagi ng SM makikita ang isang entablado na kung saan nagtanghal ang isang grupo ng mga matatanda. Ipinakita nila ang kanilang galing sa pagaaerobics na labis na nagpangiti sa maraming tao. Malaya man nilang ibinabahagi ang kanilang kasiyahan, hindi nito maiaalis na sila ay nagsisilbi lamang pangkatuwaan ng ibang tao. Subalit mayroon namang mga taong tila hindi naging masaya sa ginagawang pangaaliw. Marahil sapagkat nakikita nila ang pagkontrol ng SM sa isang kultura na ang pakay ay mapanatiling malusog ang pangangatawan at hindi ang mangaliw ng mga indibidwal.
    Samantala, noong sumunod na araw sa kalagitnaan ng Universidad ng Pilipinas sa Los Banos ay nakiisa kami sa isa pang uri ng aerobics na aming inobserbahan. Dito makikita mo naman ang mga taong dumadayo sa lugar ay mga malulusog ang katawan. Ibig sabihin ay dinadayo ito sa kadahilanan na pakay nila na alagaan ang katawan at hindi gawing katatawanan ang iba. Dito mapapansin din ang tradisyonal na uri ng aerobics na maraming uri ng routine at nagtuturo. Makaluma man ang pamamaraan, masasabi ko na higit mas marami ang nakikiisa dito kaysa sa SM.
      Huli sa aming plano ng patutunguhan ay ang lugar ng Liliw sa Laguna. Dito kilala ang lugar bilang mangagawa ng sapatos at makikita mo ang kaliwa't kanan mga tindahan nito. Bukod sa sapatos, matatagpuan din dito ang mga pangkaraniwang pampasalubong na tinitinda ng mga Pilipino. Sa lahat ng aming tinungo ito lang ang masasabi ko na lugar na purong Pilipino sa kultura nito.

Mga Piinagkunan:
http://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSoK1o_NWDHJp7tjDHDjH1gvKMC1Yb8Itp0K96TJZ78E4elvgoyvw
http://t2.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSV7DO-9zyRY6g6jgf6NSsrT8y6TtpxZu_4IQ1_HhnXo3SjH14
http://t3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcThm89eKRw4JD1CPUIMlvww4cS8sMUYomgP9qjuUeVWYwfEQ5ez

Lunes, Enero 28, 2013

Pakikipagtungali


     Natural sa isang nilalayang ang may kapangyarihan subalit may kasama itong   kakayananang paglabanan o pagtutulan ang mga bagay na hindi nito gusto. Ito yung tipo ng hindi pagsunod sa utos o pagaalsa sa kapangyarihan ng nangaapi o di kaya naman ay paglaban sa mga bagay na sumasakal sa sarili mong kapangyarihan bilang isang nilalang.

        Sa aking pagmumuni muni, napagtanto ko na ako pala ay kabilang sa mga tao na madalas makipagtungali ng kapangyarihan. Hindi ko naman ito dinadaan sa dahas subalit sa ibang paraan tulad na lang ng hindi pagsunod sa mga utos at mga sinasabi ng mga may kapangyarihan sa akin. Kung minsan nakakabuo ako ng istorya sa aking pagkwekwento sa mga kaibigan na pinagsisimulang ng tsismis subalit ito ay wala naman sa aking intensyon. Isa pang madalas kong gawin ay ang pagpapatay malisya sa mga bagay bagay. Sa paraang ito iniiwasan kong gawin ang mga bagay na ayaw kong gawin at sagutin. At ang huli na sa tingin ko ay ang aking pinakapaboritong gawin ay ang gawing katatawanan ang mga utos at naguutos sa akin. Sa paraang ito napapaligaya ko ang aking sarili at nagagawa ko ding inisin ang naguutos sa akin. (HAHAHA ^_^)


              Maaring nakikipagtunggali ako sa kapangyarihan subalit nangingibabaw pa din sa akin ang ugali na itinuro sa akin ng mga matatanda na "sumunod sa utos ng nakakantda sayo". Kung kaya't kung minsan kung kaya kong gawin lahat ng bagay na ipinaguutos sa akin ay aking gagawin na lang para mapagbigyan ang kanilang kahilingan. Pero hindi din naman maalis sa akin ang tamadin at tumutol sa mga bagay na pinagagawa sa akin kaya't depende pa din ito sa MOOD ko :)

Mga Pinagkuhanan:
http://t0.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcRu9_DNZd4YLffIYeXBncBb_nWc7mcuCicJU3gqNeX1o6TOL-5W


Miyerkules, Enero 23, 2013

Pagtatanggal ng Maskara

          Pinamagatan ko ang blog entry na ito na pagtataggal ng maskara dahil sa aking palagay ito yung parte kung saan kinakailangan kong umpisahan ilantad ang Totoong Ako, ang Totoo kong Pagkatao, ang Totoo kong Pananaw sa Mundo at mga Tao sa Paligid ko


           Sa aking pagmumuni-muni sa mga bagay na ipinaliwag sa amin sa klase, napagtanto ko na ako pala ay isang biktima at isa ding may sala kung ang paguusapan ay ang usapin ng pangaapi at inaapi. Maraming mga bagay ang pumasok sa aking isipan at nais ko itong ibahagi sa inyo sa mga susunod kong talata.

       Batay sa aking pagkakaintindi, ito yung tumutukoy sa mga tao na itinuturing na isang bagay ng ibang tao. At buhat dito nais ko ihayag ang aking mga kasalanan tungkol sa pagsasabagay ko sa aking mga kaibigan at madalas sa mga taong naghahanap buhay para sa akin. Masasabi ko na sila yung mga tao na madalas kong naisasawalang bahala ang mga nararamdaman kung kaya't nagagawa kong paglaruan ang kanilang kabutihan at mas madalas ay naaabuso ko na ito. Ginagawa ko silang katatawanan o kung hindi naman ay isang makina na susunod sa aking mga utos at gusto. Dahil sa pagsasawalang bahala ko sa kanilang pakiramdam bilang tao, ito ang siyang nagsisilbing hugyat ng pagturing ko sa kanila bilang isang bagay.

           Kung ang paguusapan naman ay ang usapin ng pagsasabagay sa akin, isang magandang halimbawa nito sa aking buhay ay noong ako ay nasa highschool pa. Normal sa panahon ito yung makakaramdam ang isang tao na umibig at magpahalaga sa isang tao. Yun ang mismong naramdaman ko noon kaya't akin itong ipinaramdam sa taong aking pinapahalagahan. Subalit mapaglaro talaga ang tadhana, ang unang tao na aking nagustuhan ay hindi man lang ako pinahalagahan at sa halip ako ay ginamit at kinasangkapan lamang. 

             Ang parteng ito naman ang siyang tumatalakay sa mga tao na ginagamit ang ibang tao para sa pangsariling kapakanan. Ito yung tumutukoy sa paggamit sa ibang tao para lamang maisagawa ang mga bagay bagay na magiging benipisyal sa kanilang pangsariling interest. At sa aking karanasan, ibabalik ko ito marahil sa aking mga kaibigan na madalas kong nagagamit para sa aking kapakanan. Nasasabi ko ito dahil sa aspeto ng pagiging estudyante, nakagisnan ko ang pagwawalang bahala sa aking pagaaral at madalas ko itong inaasa sa aking mga kaibigan. Pinakamagandang halimbawa nito ay noong nasa Kolehiyo pa ako ng mga Inhinyero kung saan madalas kaming gumawa ng mga panggrupong gawain. Sa panahong iyon, madalas kong ipinapagawa sa aking mga barkadang masisispag at matatalino ang mga proyekto namin sa klase. Hindi lang yun, umabot pa ako sa punto na kahit hindi na kami magkakasasma ay sila pa din ang aking pinagagawa ng aking mga trabaho para lamang makaliban at makakuha ng mataas na marka.

            Sa usapin naman ng pagsasamantala sa akin, nais ko din ituloy ang karanasan ko noong highschool. Ginawa ako noon na taga silbi, taga bili, taga gawa, alalay at lahat lahat na marahil. Ginawa ko ang mga bagay na iyon dahil sa pinapahalagahan ko ang isang tao ngunit ang pakikitungo niya sa akin ay iba at masasabi kong sumobra pa. Ang pagpapahalaga ko sa kanya ay kanyang inabuso at pinagsamantalahan kung kaya't nauwi kami sa paghihiwalay na lamang ng landas.

   SUBORDINATION    Ito naman ang tumutukoy sa pagpapasupil ng isang tao sa iba pang tao. Sa maikling salita, ito ang tumatalakay sa pagpapagamit ng isang indibidwal sa ibang tao at pagbibigay dito ng karapatan na mangibabaw at magdikta sa bagay bagay. Sa aking pagkakatanto, madalas itong mangyari sa aking lalo na sa mga nakakatanda sa akin dahil sa lumaki ako sa kasabihan na igalang at sundin ang mga nakakatanda sa akin. Subalit kung ang paguusapan ay ang usapin ng pagsasagawa ko nito sa ibang tao, wala akong maisip na pagkakataon na umabot ako sa ganitong punto. Lalo na kung ang paguusapan ay ang  OPPRESSION / PERSECUTION kung saan ang mga nagpapasupil ay nasasaktan ng pisikal, emosyonal, berbal at iba pa. Sa aking karanasan ng pagpapasupil sa mga nakakatanda, wala akong maituturing na pananakit o pangaabuso sa mga ito sapagkat marahil alam ko sa sarili ko kung kailan dapat tumigil at huminto sa mga bagay bagay.

           Sa pagtatanggal kong ito ng aking maskara, ito din ang simula ng pagkilala ko sa tunay na ako. Ito ay mahabang proseso at ang mga bagay na aking inilahad ay ilan lamang sa mga memorabol na karanasan na aking natatandaan. Marahil maraming hindi magandang bagay akong naisagawa noon. Subalit ito ay parte kung ano ako noon at hindi ko ito kailangan itago at sa halip ay kinakailangan kong harapin at baguhin upang maging mas mabuting ako...

Mga Pinagkuhanan:
http://t0.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcRg3E9rugP8RcH-UfLcSiT3PgEh142Jst7EnxF_PSVvAaQ9nfmxjg


Lunes, Enero 21, 2013

Paglalarawan ng Kapangyarihan

Ang Paglalarawan ng Kapangyarihan

           Naipapakita ng larawan na ito ang estado ng aking kapangyarihan sa iba't ibang tao na nakapaligid sa akin. At batay dito, masasabi ko na ako yung tipo ng indibidwal na hindi tumatanggi sa mga utos o pabor na hinihingi sa akin ng mga taong may kapangyarihan magbigay nito sa akin. Subalit ako din yung tipo ng indibidwal na hindi mahilig magbigay ng utos sa ibang tao kahit na may lakas pa akong kontrolin ang mga ito. Sumatutal, ang larawan na ito ang siyang nagpapakita kung ano ako sa aking pamilya at sa mga taong nakapaligid sa akin.


Legend:

RED - People exercising power over me and I accept
BLUE- People exercising power over me and I both accept and resist or may have or have not his/her consent
ORANGE - People whom I exercise power over and he/she accepts or has consent
GREEN - People whom I exercise power over and he/she both accepts and resists or may have or have not  his/her consent







Miyerkules, Enero 16, 2013

Kapangyarihan

          Ang Kapangyarihan ay taglay ng bawat nilalang. Ngunit ito ay nagkakaiba lamang sa taglay nitong kapasidad na gumawa at magpagawa ng mga bagay bagay na nagsisilbing patunay sa katangian ng isang indibidwal.
           Ang mga sumusunod ay tala na nagpapakita ng kapasidad ng aking sariling personalidad batay sa kapangyarihan taglay ng aking sarili.