Martes, Abril 2, 2013

Ang Pagtatapos


       Tatlong buwan kulang kulang, ganito kahaba natin pinagusupan ang kultura at pulitika. Matagal para sa ilan pero para sa akin ito'y napakabilis na tatlong buwan. Marahil dahil sa ako'y labis na natutuwa at nagagalak sa mga bagay bagay na aking natututunan sa klaseng ito. Ito siguro yung isa sa mga klase ko na nagagawa kong gamitin sa aking paligid at araw araw na buhay. Higit pa dito, nagawa ng klaseng ito na buksan ang aking isipan sa mga bagay bagay na akala ko noon ay simple lang ngunit may kahulugan pala.


         Isa sa mga bagay na aking naunawaan na binigyan ko ng importansya ay ang wikang Filipino. Karamihan sa aking mga kaklase ay gumamit ng wikang Ingles pero sa akin ay wikang Filipino, ito ay sapagkat nais kong ipahayag ang importasya ng pagbibigay halaga sa sarili nating wika. Higit pa dito ay maipagmalaki ang wika natin na kadalasan natatakluban at inaapi sa ating sariling bansa ng ating kapwa Pilipino. Kung kaya't ninais ko na gamitin ang wikang ito upang mas maipahayag ang aking saloobin at damdamin na sumasampatiya sa aking sariling wika.

        Wika nga ni doctor Jose Rizal, "Ang hindi marunong magmahal sa kanyang sariling wika, ay daig pa ang malansang isda".

        Sino pa ba ang magpapahalaga sa ating wikang Filipino kundi tayo ding mga Pilipino kaya dapat itong bigyan pansin at pahalagahan. Dahil ang Wika ay parte ng ating kultura at walang sino mang bansa ang uunlad ng hindi nila binibigyan halaga ang kanilang sariling kultura.

Mga Pinagkuhanan:
http://t3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSq0vdqPmCYOS0n0ctwrXZVMqoCC_zgtvn0T5OEd_RyC4Dwdg8U6Q
http://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSJn0igrKH26uSXQdZRDGiV2oIwdm_ZoUr7b52cCragrXGCXm8r
http://www.seasite.niu.edu/tagalog/Filipino%20Paintings/bayanihan-JoselitoEBarcelona-1993.jpg

Pagkaing ATIN


Kilala tayong mga Pilipino bilang maalaga sa ating mga bisita. Isang patunay nito ang dami ng klase ng pagkain na ating naiihain sa hapag kainan. Subalit sa kabila ng pagiging malikhain natin sa pagluluto, karamihan ng ating mga pagkain ay hindi ko man lang magawang tikman at kainin. Isa na dito ang popular na balut. Kahit alam ko na isa lang itong itlog, hindi ko mawari na ito'y kainin marahil dahil na din sa kulturang aking kinalakihan.

Ang tinutukoy ko na kulturang aking kinalakihan ay maaring kultura din ng karamihan sa aking henerasyon. Ito yung kulturang pagiging mahilig sa pagkaing kanluranin gaya ng mga "fast-food". Malungkot man pero inaamin ko na mas mahilig talaga ako sa pagkaing labas kesa sa sarili nating pagkain. Ito ay sapagkat mas madali itong mabili at ang lasa ng bawat putahe saan man parte ng bansa ay pare parehas lang. Ito ang pinagkaiba sa pagkaing ATIN sapagkat ang pagkaing Pilipino ay mabilis magbago at nagkakaiba iba sa lugar ng pinagmulan. Ito ay dahil na din sa pagiging malikhain ng mga Pilipino na nagagawa nitong baguhin at lutuin ang pagkain na aangkop sa kakain at sa sangkap na mayroon sa lugar. Dahill dito nagkakaroon ng iba't ibang klase ng lasa ang iisang uri ng pagkain at ito ang masasabi kong hindi ko gusto sa kultura natin. Mahilig man ako sa pagkain, ang aking gustong kinakain ay mga pagkaing pamilyar sa akin ang lasa at hindi ako mahilig tumikim ng labas sa gusto kong panlasa. Pero sa pagninilay nilay sa klaseng ito, nagawa ko maunawaan ang kahalagahan ng ating kultura sa pagkain nating mga Pilipino. At kahit mahirap alam ko sa sarili ko na nagawa nitong baguhin ang pananaw ko sa pagkain at binuksan nito ang pinto ng respeto para sa ating mga Pilipino.
 Mga Pinagkunan:
http://t3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcTcnhUJn6xKJwYAI_jMzxn-DiZ6EnDwTBD6JSwlmnGccmkHfI2TIghttp://i191.photobucket.com/albums/z308/pattykatigbak/1138557511_8bf8d25074.jpg

Linggo, Marso 17, 2013

Paninira sa larong Basketbol (Finale)

Ang larong basketbol ay kilalang kilala saan mang panig ng mundo. Ito ay isang laro na binubuo ng dalawang koponan na may tiglimang manlalaro sa loob ng basketbolan. Bawat manlalaro sa isang koponan ay may tiyak na posisyon na nilalaro at responsibilidad na dapat gampanan. Una ang "Point Guard", kadalasan ang pinakamaliit sa koponan at siyang may responsibilidad na patakbuhin ang sistema ng koponan. Pangalawa ang "Shooting Guard", ang kilalang taga puntos ng koponan at tirador ang shooting. Pangatlo ang "Small Forward", karaniwang malalaking manlalaro na may bilis, tira sa labas at kakayanang kumuha ng bola. Pangapat ang "Power Forward", malalaking manlalaro na may kakayanang tumira sa labas at makipagbakbakan sa ilalim ng basketbolan. Panlima at ang huli ay ang "Center", pinakamalaking malalaro sa koponan at siyang angkla ng depensa. 

Sa panahon ngayon, isang manlalaro ang masasabi kong nanira sa konsepto ng larong basketbol. Pumasok siya sa NBA (National Basketball Association) sa edad na 18 at ito ang naghudyat sa pagbabago ng laro. Ang tinutukoy ko ay walang iba kundi si Lebron "The King" James. 


Sa pagpasok niya sa pinakasikat na liga sa buong mundo, sinira ng kanyang paglalaro ang konsepto ng basketbol. Nakalista siya bilang isang "Small Forward" ngunit ang kanyang paglalaro ay labas sa konteksto ng nasabing posisyon. Ang kanyang paglalaro ay umaangkin sa lahat ng posisyon kung kaya't sa bawat koponan na kanyang paglaruan, hindi mo ito masisilayan ng tunay na konsepto ng basketbol. Isa siyang manlalaro na ginagawa ang lahat ng bagay sa loob ng basketbolan, magmula sa "Point Guard" hanggang sa tungkulin ng "Center" ay nagagawang niyang gawin. Dahil dito nawawalan ng responsibilidad ang ibang manlalaro at nasisira ang konsepto ng basketbol na larong "team sport". 
Magmula noon ang konsepto ng basetbol ay nasira na dahil ang laro na dapat ay pangkoponan ay nagiging larong nakatutok na lamang sa iisang manlalaro.


Mga pinagkuhanan:http://t0.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcRydFDlfqQ5Q07jRe9PkkijnookxvhhHRrbPOYCEZEWmuVMEIeWhttp://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSyWkP92kpeSTm06mPXB-3QPCD1ijIOgReE9e6YX0dBh0YBPQaBcw

Miyerkules, Marso 13, 2013

Kritikal na Komentaryo sa Teoryang Post-Kolonyal


Pizza hut, Hamburger, Fried Chicken, French fries - eto ang mga paboritong pagkain ng mga Kabataang Pilipino sa panahong ito. Sa kadahilan ng mabalis na pagtakbo ng panahon, mabilis din nito binago ang kagustuhan ng mga Pilipino pagdating sa pagkain. Ang dating mga lutong bahay ay pinalitan na ng mabibilis na lutong pagkain sa mga Fast Food chains kagaya ng Mcdonald’s, Wendy’s, Jollibee, Greenwich at marami pang iba. 
     Ang pagkaiba ng hilig ng mga Pilipino ay masasabi kong dulot na din ng pagiging kolonyal natin. Kilala bilang dating kolonya ng Amerika, tayong mga Pilipino ay nagiging representasyon ng kultura ng Amerika. Ito ang magpapaliwanag sa paghahalo halo ng kultura ng ating bansa at ng Amerika. Ito ang nagdudulot sa pagkabuo ng bagong tahak ng kultura na maituturing nating "Hybrid" na kultura. Masasabi ng iba na ito ay paninira sa ating tradisyonal na kultura subalit ito may isang kasagutan sa patuloy na paghahanap nating mga Pilipino sa tunay nating katauhan. Kasama na nito ang pagtanggap sa ibang kultura gaya ng sa kanluranin.

Mga Pinagkunan:
http://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcTxKUGfV9i5zutI7NiRdezG5xaOg56K-soAZYni6LAT-TkAyQgi
http://t2.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcQ-98txV8ZSY5hz2Uf5AxGsVqsceR0aIH4pknQCtNFLVCGJ6rQz
http://t3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcT95XBFtl_NLf1Btj1rtiEtI_KW_xvV-NAgKZWa2700m2GqQalNpw

Kritikal na Komentaryo sa Teoryang Kanluranin


     Sa tuwing mapapagusapan ang mga Teoryang kanluranin, hindi ko malilimutan ang laging sinasabi ng aming guro na ito ay nagmula sa mga "Great Dead White Men". Sabagay ito naman ang katotohanan sapagkat ito ay ang mga ideyang nagmula pa sa mga taong matagal ng pumanaw. Higit pa dito ay ang realidad na miski luma ang mga ideyang ito, ito pa din ay buhay at patuloy na ginagamit. Ito ang mga ideyang masasabi kong bumago sa mundo. 

      Isa sa mga paborito kong teoriko na bumago sa takbo ng mundo ay si Karl Marx. Pinagtuunan niya ng pansin ang Kapitalismo ("Capitalism") sapagkat napagtanto niya ang palalim na palalim na problema ng ekonomiya. Inilahad niya ang pagkahilig ng mga kabisera na ibigay ang kapangyarihan sa mga kamay ng ilang mga malalaking capitalista. Iginiit din niya na ang kapangyarihan ng mga manggagawa ay mabubuo lamang sa pamamagitan ng isang sosyalistang rebolusyon.

     Dito sa atin sa Pilipinas, makikita mo din ang sitwasyong ito. Sa mga lugar na dominante ng mga mayayamang pamilya tulad ng Tarlac, kung saan pagsasaka ang pangunahing hanap buhay, matatagpuan ang magandang halimbawa ng kapitalismo. Sa kabila ng pagkakaroon ng Land Reform Program ng Pilipinas na nagbibigay ng karapatan sa mga magsasaka na magkaroon ng sariling lupain, naipagpupumilit pa din ng mga mayayamang pamilya ang kanilang kagustuhan at nagagawang ang kinin muli ang lupa mula sa mga magsasaka. Pagkatapos naman nito ay ginagawa itong plantasyon o di kaya naman ay subdibisyon. Kung ating iisipin, ang programa ng gobyerno ay tila isang panaklob lamang sa problema ng mga magsasaka dahil nagiging kasangkapan lamang sila sa pagpapalayong ng kapangyarihan at karangyaan ng mga mayayamang pamilya. Sa pagunlad ng mayayaman, nananatiling mahirap ang mahirap at lalo pang humihirap.

     Sa kabila ng pagtutol ko sa kapitalismo, hindi ko naman maiaalis ang katotohanan na ito ay isang matagumpay na paraan nag pagpapaunlad lalo na sa mga maliliit ng negosyo. Lahat ng ito ay magbabase sa suportang ibibigay ng gobyerno sa mga negosyo at mamimili. Isang patas at malayang pamilihan ang magiging susi sa pagunlad.

Mga Pinagkuhanan:
http://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSLceRh7Zd2bH1NDly7yGOND2VTFHePBCSWTtxxJGVYKxkyx0vl6g

Lunes, Marso 11, 2013

Kritikal na Komentaryo sa Katutubong Pilipino


    Tamad ang Pilipino, ito ang isang mentalidad na inilahad ng mga kanluraning teorya sa kaugalian nating mga Pilipino. Ngunit maituturing ko itong paninira sa ating katauhan sapagkat hindi patas ang pagpapahayag ng mga teoryang kanluranin. Ang Sikolohiyang Pilipino ay itinatag ni Virgilio Enriquez na naglalayong baguhin ang paraan ng pagiisip ng mga Pilipino. Ito ang nagbigay opportunidad sa mga Pilipino na maihayag ang tunay natin kaugalian at mabago ang pagtingin sa atin nga mga dayuhan. Dahil din dito magagawa natin baguhin ang pananaw ng mga kanluranin sa ating kultura at kasaysayan na walang lubos na nakakaalam kundi tayong mga Pilipino lamang.

     Madaming kultura ang mga Pilipino na hindi naipapaliwanag ng tama ng mga teoryang kanluranin. Dahil sa Sikolohiyang Pilipino nagagawang ipaliwanag ang mga bagay na ito sa paraan at perspektibo ng Pilipino. Tulad na lamang ng kaisipan na "Bahala na" na karaniwang naipapaliwanag bilang paraan ng Pilipino na ipaubaya na lang sa iba ang kanilang ginagawa at nagigigng simbolismo ng katamadan. Subalit ang kaisipan na ito ay buhat sa teorya ng mga kanluranin na walang basehan sa tunay nating kultura. Ayon kay Virgilio Enriquez at sa kanyang Sikolohiyang Pilipino, ang kaisipan na ito ay nagsisilbing pagkuha sa pagpapasiya at panganib, at isang paraan ng pagtulak ng katapangan sa isipan ng isang Pilipino upang malampasan ang mahihirap ng pagsubok. Isang kaugalian ito na nabigyan ng bagong interpretasyon ng Sikolohiyang Pilipino. 


      Sa gitna ng Sikolohiyang Pilipino matatagpuan and pundasyon ng kaugalian at kultura ng mga Pilipino. Ito ang kapwa na ang ibig sabihin ay "togetherness". Magmula kasi sa kasaysayan nating mga Pilipino, laging kaakibat ng bawat kultura at kaugalian ang pagbibigay halaga natin sa ating kapwa. Hindi ito labis maunawaan ng ibang lahi dahil sa magulo nitong konsepto. Mayroon itong dalawang interpretasyon, and Ibang tao (other people) at Hindi ibang tao (not other people). Ang ibang tao ay tumutukoy sa mga taong taga labas na karaniwan ay mga dayuhan. Ang hindi ibang tao naman ay tumutukoy sa mga taong isa sa atin o mga taong kabahagi ng ating kultura. Sa depenisyon ito ng kapwa makikita ang labis na pagpapahalaga ng mga Pilipino sa mga tao sa paligid nito maging ito ay ibang tao o hindi ibang tao.

mga Pinagkuhanan:
http://www.kabayancentral.com/book/up/9715420672.jpg

Pulitika ng Puwang


Sa aming paglalakbay sa probinsya ng Laguna, una naming tinungo ang lugar ng Paseo de Santa Rosa. Hindi ito ang unang pagkakataon na makapunta ako sa lugar na ito dahil naging madalas ako dito nung panahon na akoĆ½ bumibisita pa sa De La Salle Canlubang. Ang lugar ng Paseo ay binubo ng iba't ibang uri ng tindahan at manininda na karamihan ay matatagpuan din sa ibang lugar. Ang kinaiba lang ng Paseo ay ang mga tindahan dito ay kadalasang bagsakan ng iba't ibang branded na bagay kung kaya't mas mura ang mga ito kaysa sa ibang tindahan.
Sa kabila ng pagiging mababang presyo ng mga branded na bagay dito gaya ng Nike at Addidas, masasabi ko na hindi pa din ito yung lugar na dayuhin ng mga tao. Isang kadahilan nito ay hindi ito madaling puntahan at kung mapuntahan man ng mga tao ay kinakailangan na may mga pera ang mga ito. Ibig sabihin lang nito na ang Paseo ay lugar kung saan ang mga taong may kaya sa kanilang luho ang siyang makakatigil at makakapamili. Nahihiwalay ng lugar na ito ang mga taong namumuhay lamang para sa kanilang pangaraw araw na buhay.  
Ngunit sa kabilang banda, hindi lubos marahil akalain ng karamihan na ganito ang tunay ng nangyayari. Isang katunayan nito ay ang tindahan na matatagpuan sa may kalikuran ng Paseo. Dito mo makikita yung mga tipikal na tindahan at mga taong kadalasang namumuhay ng isang kahig isang tuka. Ang mga uri ng tindahan dito ay pangkaraniwan at kadalasan pa ay mga panggagaya ng mga branded na bagay. Labis na ibang iba ang hitsurang ito ng Paseo kumpara sa una mong makikita ng magara at maaliwalas. Ito ay isang uri lamang ng pagpapakita kung paano hinahati ng lipunan ang mga tao base sa kanilang panlipunan klase.
    Pangalawa naming tinungo ay ang SM Calamba. Dito mo makikita ang karaniwang itsura ng SM na magkahalo ang mayayaman at mahihirap. Isa sa mga patunay dito na kumuha ng aking pansin ay noong napadaan ako sa may sinehan kung saan isang turista na mayaman ay nakapila sa ticket ng sine kasunod ang isang binata na wari mo'y nasa bahay lang. Isa pang nakakatakaw pansin ay ang tindahan ng "Prap" na tinagalog ng salitang "Frappucino" na karaniwang mamahaling uri ng kape na mabibili sa mga tindahan gaya ng Starbucks. Dito na lamang sa paraang ito makikita mo ang paglikha ng bagong uri ng kultura na aangkop sa kakayanan ng mga Pilipino at lalaban sa karaniwang pagaakala na ang kapeng "Frap" ay pangmayayaman lang. 
      Sa gitnang bahagi ng SM makikita ang isang entablado na kung saan nagtanghal ang isang grupo ng mga matatanda. Ipinakita nila ang kanilang galing sa pagaaerobics na labis na nagpangiti sa maraming tao. Malaya man nilang ibinabahagi ang kanilang kasiyahan, hindi nito maiaalis na sila ay nagsisilbi lamang pangkatuwaan ng ibang tao. Subalit mayroon namang mga taong tila hindi naging masaya sa ginagawang pangaaliw. Marahil sapagkat nakikita nila ang pagkontrol ng SM sa isang kultura na ang pakay ay mapanatiling malusog ang pangangatawan at hindi ang mangaliw ng mga indibidwal.
    Samantala, noong sumunod na araw sa kalagitnaan ng Universidad ng Pilipinas sa Los Banos ay nakiisa kami sa isa pang uri ng aerobics na aming inobserbahan. Dito makikita mo naman ang mga taong dumadayo sa lugar ay mga malulusog ang katawan. Ibig sabihin ay dinadayo ito sa kadahilanan na pakay nila na alagaan ang katawan at hindi gawing katatawanan ang iba. Dito mapapansin din ang tradisyonal na uri ng aerobics na maraming uri ng routine at nagtuturo. Makaluma man ang pamamaraan, masasabi ko na higit mas marami ang nakikiisa dito kaysa sa SM.
      Huli sa aming plano ng patutunguhan ay ang lugar ng Liliw sa Laguna. Dito kilala ang lugar bilang mangagawa ng sapatos at makikita mo ang kaliwa't kanan mga tindahan nito. Bukod sa sapatos, matatagpuan din dito ang mga pangkaraniwang pampasalubong na tinitinda ng mga Pilipino. Sa lahat ng aming tinungo ito lang ang masasabi ko na lugar na purong Pilipino sa kultura nito.

Mga Piinagkunan:
http://t1.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSoK1o_NWDHJp7tjDHDjH1gvKMC1Yb8Itp0K96TJZ78E4elvgoyvw
http://t2.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcSV7DO-9zyRY6g6jgf6NSsrT8y6TtpxZu_4IQ1_HhnXo3SjH14
http://t3.gstatic.com/images?q=tbn:ANd9GcThm89eKRw4JD1CPUIMlvww4cS8sMUYomgP9qjuUeVWYwfEQ5ez